Curry inakbayan ang Warriors sa pagpapasabog sa Rockets

HOUSTON - Bumira si star guard Stephen Curry ng 27 points tampok ang limang three-point shots para tulungan ang Golden State Warriors sa 105-98 pagpapasabog sa Rockets.
Nagdagdag si guard Jimmy Butler ng 19 points para sa Golden State (28-27), habang may 18, 13 at 10 markers sina Brandin Podziemski, Draymond Green at Moses Moody, ayon sa pagkakasunod.
Pinamunuan ni Aaron Holiday ang Houston (34-21) sa kanyang 25 points.
Ibinangko ni Rockets coach Ime Udoka sina Fil-Am Jalen Green, Alperen Sengun at Dillon Brooks sa pagsisimula ng fourth quarter dahil sa masamang laro na nagresulta sa kanilang 24-point deficit.
Isang 11-2 atake ang ginawa ng Warriors para makalayo sa 102-91 sa huling dalawang minuto ng laro tampok ang triple ni Curry at two-handed dunk ni Butler.
Ito ang pang-pitong kabiguan ng Houston sa huli nilang siyam na asignatura.
Sa New Orleans, nagpasabog si CJ McCollum ng 37 sa kanyang 43 points sa second half — kasama rito ang 11 points sa overtime — para tulungan ang Pelicans (13-42) sa 140-133 pagtakas sa Sacramento Kings (28-27).
Tinapos ng New Orleans ang kanilang 10-game losing skid bagama’t hindi naglaro si star foward Zion Williamson dahil sa injury.
Sa Dallas, umiskor si Dante Exum ng season-high 27 points para pamunuan ang Mavericks (30-26) sa 118-113 pagpapalamig sa Miami Heat (25-28).
Sa Minneapolis, humakot si forward Naz Reid ng 27 points, 13 rebounds at 7 assists para akayin ang Minnesota Timberwolves (31-25) sa 116-101 pagpapatumba sa Oklahoma City Thunder (44-10).
Sa Salt Lake City, nagbagsak si Norman Powell ng season-high 41 points at nagdagdag si James Harden ng 32 markers para banderahan ang Los Angeles Clippers (31-23) sa 120-116 overtime win sa Utah Jazz (13-41).
- Latest