Creamline ‘di papaawat sa Farm Fresh Foxies
MANILA, Philippines — Ikakasa ng nagdedepensang Creamline ang pang-siyam na sunod na panalo sa pagsagupa sa Farm Fresh sa 2024-25 Premier Volley-ball League (PVL) All-Filipino Conference.
Haharapin ng Cool Smashers ang Foxies ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang upakan ng mainit na Petro Gazz Angels at Capital1 Solar Spikers sa alas-4 ng hapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Solo ng Creamline ang liderato sa kanilang 8-0 kartada sa itaas ng Petro Gazz (7-1), Cignal HD (6-3), PLDT (6-3), Choco Mucho (6-3), Akari (5-5), Chery Tiggo (5-5), ZUS Coffee (4-5), Farm Fresh (4-5), Galeries Tower (1-8), Capital1 (1-8) at Nxled (1-8).
Humataw ang Cool Smashers ng 25-17, 25-17, 25-21 panalo kontra sa Crossovers sa huli nilang laro kung saan pumalo si middle blocker Bea de Leon ng 13 points.
“I think like what coach Sherwin (Meneses) said, mahaba pa ang laban,” sabi ni De Leon. “Of course, it’s a nice place to be in now pero mahabang mahaba pa ‘yung season, sobrang dami pa naming tatrabahuhin.”
Minalas naman ang Foxies sa High Speed Hitters, 20-25, 17-25, 19-25, sa huli nilang laban.
Muling makakatuwang ni De Leon para sa Creamline sina Jema Galanza, Alyssa Valdez, Bernadeth Pons, Tots Carlos at Kyle Negrito.
Itatapat ng Farm Fresh sina Trisha Tubu, Caitlyn Viray, Jolina Dela Cruz, Rizza Cruz at Rachel Ann Daquis.
Samantala, target ng Petro Gazz ang pang-pitong sunod na panalo kontra sa Capital1 na nasa five-game losing slump.
- Latest