Winning streak itutuloy ng Choco Mucho at Akari
MANILA, Philippines — Puntirya ng Choco Mucho ang ikaapat na sunod na panalo, habang ang pangatlong dikit na ratsada ang target ng Akari sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Magkikita ang Chargers at Flying Titans ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang banggaan ng minamalas na Galeries Tower Highrisers at kulelat na Nxled Chameleons sa alas-4 ng hapon.
Bumabandera ang nagdedepensang Creamline sa kanilang 8-0 baraha sa itaas ng Petro Gazz (7-1), Cignal HD (6-3), PLDT (6-3), Akari (5-4), Choco Mucho (5-5), ZUS Coffee (4-5), Farm Fresh (4-5), Galeries Tower (1-7), Capital1 Solar Energy (1-8) at Nxled (0-8).
Sumasakay ang Flying Titans sa isang three-game winning streak kung saan ang huli nilang naging biktima ay ang High Speed Hitters, 21-25, 25-22, 25-18, 25-18, noong Enero 23.
Umiskor naman ang Chargers ng 25-9, 25-17, 26-24 panalo sa Solar Spikers noong Pebrero 1.
“This is going to be a long conference, and we are still in the elimination round, so at least we have a chance to challenge different systems,” sabi ni Akari Japanese coach Taka Minowa na muling sasandal kina Ivy Lacsina, Faith Nisperos, Fifi Sharma, Eli Soyud, etter Kamille Cal at libero Justine Jazareno.
Itatapat ng Choco Mucho sina Sisi Rondina, Dindin Manabat, Isa Molde at Chery Nunag.
Posibleng makaapekto sa ilalaro ng Flying Titans ang kanilang 15-day break sa pagharap sa Chargers.
Sa unang laro, pipilitin ng Highrisers na tapusin ang kanilang tatlong sunod na kamalasan sa pagsagupa sa Chameleons na hindi pa nananalo sa walong laro.
- Latest