Gilas sasalang sa Doha training camp
MANILA, Philippines — Wala man ang pambatong sentro na si Kai Sotto, may dalawang players na aasahang magbalik sa Gilas Pilipinas para sa training camp nito sa Doha at sa final window ng 2025 FIBA Asia Cup Qualifiers sa susunod na linggo.
Umiinda ng ACL injury si Sotto at posibleng hindi pa makalaro sa hanggang isang taon subalit sa kabutihang palad ay sasalubungin ng Gilas sina Jamie Malonzo at AJ Edu upang palakasin ang frontline nito.
Galing sa calf injury si Malonzo, habang knee injury naman ang tinamo ni Edu kaya hindi sila nakalaro sa mga nakalipas na windows ng Asia Cup Qualifiers.
Bagama’t wala ang dalawa, halos hindi pinawisan ang Gilas nang walisin ang apat na laro sa Group B, 94-64 at 93-54 panalo kontra sa Hong Kong, 106-53 tagumpay kontra sa Chinese Taipei at 93-89 panalo sa New Zealand, para makasikwat na agad ng tiket sa Asia Cup.
Non-bearing na para sa Gilas ang final window laban sa Chinese Taipei sa Pebrero 20 at sa New Zealand sa Pebrero 23 kaya itutuon na lang atensyon sa paghahanda para sa mismong FIBA Asia Cup sa Agosto 5 hanggang 17 sa Jeddah, Saudi Arabia.
“The basic thing is, we’re using this Doha trip as a chance to prepare, not for this immediate window because we have already qualified, but as a preparation for the FIBA Asia in August,” wika ni Cone.
Susukatan ng Gilas sa Doha ang Qatar, Lebanon at Egypt sa Pebrero 15 hanggang 17.
Sa Pebrero 13 lilipad pa-Qatar ang Gilas.
Sa kabutihang palad, makakasama rin ng Gilas sa biyahe si UAAP MVP Kevin Quaimbao.
- Latest