Bong Go pinuri sa patuloy na pagtulong sa Philippine sports
MANILA, Philippines — Nakatanggap ng papuri si senator Christopher “Bong” Go mula sa ilang atleta at sports personalities dahil sa suportang ibinibigay nito sa Philippine sports.
Saludo sina veteran sports journalist Joaquin Henson at Olympian Nesthy Petecio sa programa ni Go kung saan kaakibat ito sa pagpapalakas ng grassroots development, health sector at pagpapalawak sa benepisyo ng mga Pinoy athletes.
“Kay Senator Bong Go, maraming salamat po sa inyong suporta sa mga atleta. Maraming salamat po, lalo na sa grassroots. Patuloy n’yo lang po kaming sinusuportahan, Sir dahil alam ko napakadami pa pong nasa grassroots na gusto maging tulad namin,” ani Petecio.
Nanindigan naman si Go na hindi ito titigil sa pagsuporta sa mga atletang Pinoy na patuloy na nagsusumikap upang mabigyan ng karangalan ang bansa.
Ilan sa mga pinuri ni Go si PSA Athlete of the Year Carlos Yulo na nakasungkit ng dalawang gintong medalya sa Paris Olympics noong nakaraang taon.
“Ang tagumpay ng ating mga atleta ay tagumpay ng buong bansa. Kaya naman, hindi natin sila pababayaan. Patuloy tayong magsusulong ng mga programa na magpapalakas ng Philippine sports,” ani Go.
Bilang senate committee chairman on sports, isa si Go sa nagsusulong upang maaprubahan ang pondo ng sports agency na naging maganda ang resulta dahil sa mga tagumpay ng mga atleta.
Una na rito ang pagkopo ni Hidilyn Diaz ng kauna-unahang gintong medalya sa 2020 Tokyo Olympics.
“Ang ating mga kabataan ay may potensyal na maging world-class athlete’s kung mabibigyan sila ng tamang suporta. Kaya dapat nating siguruhing may sapat na pondo, tamang training facilities, at mga programang magpapalakas sa kanila,” ani Go.
- Latest