Karl Eldrew binigyan ng P500k pabuya ni Chavit
MANILA, Philippines — Binigyan ni dating Governor at businessman Chavit Singson ng tumataginting na P500,000 pabuya si Karl Eldrew Yulo matapos sumungkit ng apat na gintong medalya sa 3rd JRC Artistic Gymnastics Stars Championships na ginanap sa Bangkok, Thailand noong nakaraang linggo.
Pinuri ni Singson ang husay ni Yulo na nakababatang kapatid ni Paris Olympics double gold medalist Carlos Edriel Yulo.
Sinabi ni Singson na kitang-kita ang dedikasyon ni Karl Eldrew upang mabigyan ng karangalan ang bansa sa iba’t ibang international tournaments gaya nito.
Magugunitang pinagharian ni Karl Eldrew ang Bangkok meet kung saan nakasungkit ito ng gintong medalya sa junior individual all-around event.
Maliban sa all-around, namayagpag pa si Karl Eldrew sa floor exercise, still ring at vault.
Kasama pa rito ang dalawang pilak na nakuha nito sa parallel bars at team all-around events.
Personal na ibinigay ni Singson ang cash incentives kay Karl Eldrew kasama ang magulang nitong sina Angelica at Andrew, kapatid na si Elaiza. Present din ang anak ni Singson na si Rep. Richelle Singson-Michael ng Ako Ilocano Ako party list.
Hindi naman na bago si Singson sa mundo ng sports. Sa kasalukuyan, hawak nito ang professional boxing career ni Charly Suarez.
Naging chairman emeritus din ito ng Philippine National Shooting Association.
Kamakailan lamang ay binigyan nito ng P1 milyong regalo ang pamilya Yulo at umaasang maaayos ang gusot sa pamilya nito.
- Latest