Stags nilapa ng Red Lions
MANILA, Philippines — Diniskaril ng nagdedepensang San Beda University ang hangad na pagsosolo sa liderato ng San Sebastian College-Recoletos matapos kunin ang 85-75 panalo sa NCAA Season 100 men’s basketball kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Bumangon ang Red Lions mula sa naunang kabiguan sa St. Benilde Blazers para tumabla sa Stags sa 2-1 record.
Iniskor ni rookie guard Bryan Sajonia ang 13 sa huling 19 points ng San Beda sa fourth quarter patungo sa pagtatala ng career-high 26 points.
Nagdagdag si Yukien Andrada ng 21 markers tampok ang limang three-point shots bukod sa 11 rebounds, habang may 12 points si Jomel Puno.
“Hats off to San Sebastian, hindi talaga sila hihinto. They won’t stop until the final buzzer, kahit lamang ka pa ng 11 points in the last 1:26, hindi sila hihinto maglaro,” ani coach Yuri Escueta.
Matapos ilista ng Red Lions ang double digit lead sa fourth period ay nakabangon ang Stags para makadikit sa 70-73 mula sa three-point play ni Reggz Gabat sa huling 2:11 minuto.
Ang magkasunod na triples nina Sajonia at Richi Calimag ang muling naglayo sa San Beda sa 79-70.
Samantala, tinalo ng Blazers ang EAC Generals, 77-55, para iposte ang 3-0 record at solohin ang liderato.
- Latest