Stags tinakasan ang Pirates
MANILA, Philippines — Sumosyo ang San Sebastian College-Recoletos sa liderato matapos ungusan ang Lyceum of the Philippines University, 95-93, sa NCAA Season 100 men’s basketball kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Inilista ng Stags ang 2-0 record para makasama sa itaas ng team standings ang St. Benilde Blazers, habang lagapak ang Pirates sa 0-2.
Kumolekta si guard Paeng Are ng 25 points, 13 assists at 8 rebounds para muling banderahan ang San Sebastian sa ikalawang dikit na panalo matapos ang 91-84 come-from-behind win sa Letran.
Umiskor si Raymart Escobido ng 23 markers habang may 14 points at 15 rebounds si Tristan Felebrico para sa tropa ni coach Arvin Bonleon.
Isang 12-0 bomba ang inihulog ng Stags sa dulo ng fourth period para agawin ang 95-93 abante matapos iwanan ng Pirates sa 83-93 sa huling 1:23 minuto.
Nagkaroon ng tsansa ang Lyceum na agawin ang panalo kundi lamang nagmintis si Mac Guadana.
Bumira si Ato Barba ng career-high 25 points sa panig ng Pirates at may 13 at 12 markers sina JM Bravo at Guadana ayon sa pagkakasunod.
Samantala, umeskapo ang Mapua sa Emilio Aguinaldo College, 69-66.
May magkatulad na 1-1 kartada ngayon ang Cardinals at Generals.
- Latest