POC nagpaliwanag sa isyu ng golf uniform
PARIS — Nagpaliwanag kahapon ang Philippine Olympic Committee (POC) kaugnay sa nag-viral na social media post ni national lady golfer Dottie Ardina tungkol sa kanilang uniporme ni Bianca Pagdanganan sa 2024 Olympic Games dito.
Ang Adidas, ang Paris Olympics official Apparel Sponsor ng Philippine delegation, ay naunang nagpadala ng initial set ng apparel para sa golf team na aaprubahan ng IOC bago magsimula ang golf competition.
Ngunit hindi ito naaprubahan kaya nagkaroon ng mabilisang pagbabago sa golf apparel isang linggo bago ang simula ng golf event.
Ilang kahon ng golf apparel na naglalaman ng competition gear ang ipinadala sa isang courier direkta sa Paris.
Ayon sa POC, natengga sa French customs ang package na naglalaman ng competition gear nina Ardina at Pagdanganan at hindi kaagad nailabas.
Kaya inayos ng POC ang pagpapagawa ng competition gear sa Paris manufacturer para maibigay sa dalawang Pinay golfers.
Sa practice rounds ay isinuot ni Pagdanganan ang Adidas apparel habang suot naman ni Ardina ang competition uniform.
Ngunit sa sumunod na mga rounds ay pinili ng dalawang golfers na magsuot ng personal attire na may nakakabit na Philippine flag patch sa kanilang uniporme.
Nilinaw din ng POC ang sinasabing isyu ng corruption.
“There was no monetary arrangement in the supply. We are all saddened with the issue about the attire but we have supported our athletes unequivocally,” ani ng POC. “We have done our very best to give all our athletes everything they need to be at their best for the Olympics but there are certain things that are beyond our control.”
Samantala, sina double-gold medalist Carlos Yulo ng gymnastics at bronze medal winner Aira Villegas ng boxing ang tatayong flag bearers ng Team Philippines sa closing ceremony.
- Latest