Pagdanganan, Ardina huling alas ng Pinas
PARIS — Lumabo ang tsansa ni Bianca Pagdanganan sa medalya matapos mahulog sa joint 13th place sa women’s golf competition dito sa Le Golf National kahapon.
Sa South Paris Arena 6 sa Paris 15th District, walang nabuhat na medalya ang weightlifting team matapos ang nakuhang DNF (Did Not Finish) card ni Vanessa Sarno kagaya ni John Ceniza noong Miyerkules.
Malungkot na lumalaban ang dalawang huling baraha ng Team Philippines na sina Pagdanganan at Dotie Ardina sa papatapos na 2024 Paris Games.
Ang masama pa ay nagkaroon ng isyu sa playing uniform ng golf team at ang sigalot sa loob ng weightlifting unit.
Nagposte si Ardina ng isang video na naging viral sa social media kung saan ipinakita niya ang duct tape para idikit ang Philippine flag patch sa kanyang jersey.
Ibinulong niyang sila lamang ni Pagdanganan sa golf competition ang naglalaro na walang uniform.
Umiyak naman si Sarno matapos hindi mabuhat ang kanyang start weight na 100kg kung saan sinabi niyang nagsasanay siya “in a toxic environment.”
Ngunit sa kabila nito ay hindi bumitaw ang mga lady warriors.
Ipinasok ni Pagdanganan ang bola sa par-5 18th hole sa ikatlong sunod na araw at nagtala ng isang one-over 73 para sa joint 13th place bitbit ang two-under 54-hole total.
Matapos ang kanyang video shoot ay naglista si Ardina ng best round na three-under 69 at umakyat sa 23rd spot sa kanyang one-over 217 total.
Samantala, itinago ni Sarno sa kanyang ngiti ang emosyong nararamdaman bago at matapos bumuhat.
“Ang pangit po pag ganoon yung environment while preparing for the Olympics kasi aminado po ako na naging mahina po yung mentality ko po pagdating sa mga tao na nasa paligid ko po na sobrang toxic,” ani Sarno.
- Latest