ArenaPlus magbibigay ng P5 milyon kay Yulo
MANILA, Philippines — Tuluy-tuloy ang pag-ulan ng insentibo para kay 2024 Paris Olympic Games double gold medalist Carlos Yulo.
Magbibigay ang ArenaPlus kay Yulo ng cash reward na P5 milyon dahil sa makasaysayang tagumpay ng 24-anyos na national gymnast sa quadrennial event.
Ang ‘Astig Sports Bonus’ ay pagkilala sa nagawa ni Yulo bilang official brand ambassador ng leading sports entertainment gateway sa bansa.
“Kasama mo kami sa laban ngayon. Parte ka na ng kasaysayan. At para sa patuloy nating paglalakbay sa ating magandang pinagsamahan, sa iyo rin ang Astig Sports Bonus of P5 million,” ani ng ArenaPlus.
Si Yulo ang kauna-unahang Pinoy athlete na nanalo ng dalawang gold medals sa isang Olympics matapos manguna sa men’s floor exercise at vault event sa Bercy Arena.
Isang malaking hero’s welcome ang inaasahang ibibigay kay Yulo sa kanyang pag-uwi ng bansa.
Ang cash reward ng ArenaPlus ang dumagdag sa mga insentibong matatanggap pa ni Yulo mula sa government at private sector.
Ibibigay ng Philippine Sports Commission (PSC) base sa RA 10699 (National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act) ang kabuuang P20 milyon o tig-P10 milyon para sa dalawang gintong nakamit ni Yulo sa Paris Games.
Isang house and lot sa Tagaytay ang ibibigay ng Philippine Olympic Committee (POC), bukod pa ang condominium unit na nagkakahalaga ng P35 mil-yon mula sa isang property development firm.
- Latest