Aira sumuntok ng tanso sa Paris
MANILA, Philippines — Nagdagdag si Aira Villegas ng tansong medalya para sa Team Philippines sa 2024 Paris Olympics boxing competitions sa Roland-Garros Stadium.
Nagkasya lamang sa tanso si Villegas matapos lumasap ng kabiguan sa kamay ni Buse Naz Cakiroglu ng Turkey sa semifinals ng women’s 50-kilogram division.
Pumabor ang lahat ng limang hurado mula Ireland, Slovakia, South Korea, Sri Lanka at Argentina sa Turkish boxer na binigyan ng 30-27, 30-26, 30-27, 30-27 at 30-26 iskor.
Ito ang unang Olympics ni Villegas. At sa kanyang unang pagsalang, masaya ito na makapag-uuwi ito ng medalya.
Kaya naman walang pagsisisi si Villegas.
“Hindi naman ako disappointed dahil ginawa ko lahat ng makakaya ko. Halos pareho kami ng laro. Nagpag-aralan niya ang galaw ko at talagang malakas siya. For me ginawa ko ang lahat ng best ko,” ani Villegas.
Hindi man naiuwi ang ginto, umaasa si Villegas na proud pa rin ang mga kababayan nito sa kanyang tagumpay tangan ang tansong medalya.
Para kay Villegas, ang kinang ng kanyang tansong medalya ay para na ring gold medal.
Hindi naging madali ang pinagdaanan ni Villegas bago maabot ang inaasam na tanso.
Tatlong sunod na panalo ang naitala nito kabilang ang unanimous decision win kay Moroccan Yasmine Mouttaki sa round of 32.
Walang balak magretiro si Villegas dahil pangarap nitong makasungkit ng gintong medalya sa susunod na Olympics.
Nais din ni Villegas na marinig ang national anthem ng Pilipinas sa Olympic Games bago ito magretiro.
- Latest