Crossovers lusot sa High Speed Hitters
MANILA, Philippines — Minantsahan ng Chery Tiggo ang dating malinis na rekord ng PLDT matapos itakas ang 25-19, 20-25, 25-20, 21-25, 15-10 panalo sa Pool B ng 2024 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Naghulog si American import Khat Bell ng 39 points mula sa 33 attacks, limang blocks at isang service ace para sa 3-1 kartada ng Crossovers kasosyo sa liderato ang High Speed Hitters at Creamline Cool Smashers.
“The mindset was we just wanted to win. We’re tired and and we wanna go home,” wika ni Bell.
Matapos magtabla sa 2-2 ay nakalapit ang PLDT sa 10-13 sa fifth set kasunod ang hataw ni Ara Galang para sa match point, 14-10, ng Chery Tiggo.
Ang malakas na hampas ni Fiola Ceballos sa posesyon ng High Speed Hitters ang sumelyo sa panalo ng Crossovers.
Samantala, bumira si American import Erica Staunton ng 29 points mula sa 25 attacks, tatlong blocks at isang service ace para gabayan ang Creamline sa 27-25, 26-28, 29-27, 25-19 pagdaig sa Galeries Tower.
Umiskor si Bernadeth Pons ng 26 markers buhat sa 21 attacks, tatlong blocks at dalawang aces para sa 3-1 kartada ng Cool Smashers na ibinagsak ang Highrisers sa 0-4 marka.
“Happy kami na nakuha namin (iyong panalo) kahit na hindi ganoon kadali. Lahat naman ng teams talagang lumalaban,” ani Creamline coach Sherwin Meneses.
Sa unang laro, winalis ng Farm Fresh ang Nxled, 25-16, 25-15, 25-17, para sa ikalawang sunod na panalo.
- Latest