Brandon Ganuelas-Rosser isasalang ng TNT vs Rain or Shine
MANILA, Philippines — Ipaparada ng TNT Tropang Giga ang bagong hugot na si 6-foot-8 Brandon Ganuelas-Rosser sa pagharap sa Rain or Shine sa pagbubukas ng Season 48 PBA Philippine Cup.
Haharapin ng Tropang Giga ang Elasto Painters ngayong alas-7:30 ng gabi matapos ang banggaan ng Meralco Bolts at Blackwater Bossing sa alas-4:30 ng hapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Para makuha si Ganuelas-Rosser, ang No. 1 overall pick noong 2022 PBA Rookie Draft, ay ibinigay ng TNT sa Blackwater sina Jaydee Tungcab, Justin Chua at isang first-round draft pick sa Season 51 Draft.
Nauna munang dinala ng NLEX Road Warriors ang 29-anyos na Fil-Am sa Bossing kapalit nina Ato Ular, Yousef Taha at isang 51st Season first round draft pick.
Si Ganuelas-Rosser ang sasalo sa naiwang trabaho ng may injury na si 6’8 Poy Erram para sa Tropang Giga na muling babanderahan nina Gilas Pilipinas member Calvin Oftana, Jayson Castro, RR Pogoy at Kib Montalbo.
Sa pagkawala nina two-time PBA MVP James Yap at Rey Nambatac ay sasandalan ng Elasto Painters sina Beau Belga, Gabe Norwood, Anton Asistio, Andrei Caracut at rookie Keith Datu.
Sa unang laro, inaasahang gagamitin ng Bossing sina Yap, Nambatac, Chua at Tungcab kasama sina Troy Rosario at JVee Casio sa pagsagupa kina Gilas Pilipinas guard Chris Newsome, Chris Banchero, Cliff Hodge at Raymond Almazan ng Bolts.
- Latest