Pinalakas na PLDT haharap sa Galeries
MANILA, Philippines — Ang unang panalo ang pupuntiryahin ng pinalakas na PLDT Home Fibr sa pagsagupa sa Galeries Tower sa 2024 PVL All-Filipino Conference.
Haharapin ng High Speed Hitters ang Highrisers ngayong alas-3 ng hapon kasunod ang bakbakan ng Choco Mucho Flying Titans at Nxled Chameleons sa alas-5 ng hapon sa Filoil EcoOil Arena sa San Juan City.
Nauna nang nagwagi ang Petro Gazz laban sa Strong Group Athletics at ang Chery Tiggo kontra sa Capital1 sa pagbubukas ng torneo noong Martes.
Itatampok ng PLDT ang mga bagong hugot na sina Kianna Dy, Majoy Baron at Kim Fajardo na nagmula sa nabuwag na F2 Logistics para makatuwang nina Fil-Canadian Savi Davison at Rhea Dimaculangan.
“Tatrabahuin pa rin talaga namin. Hindi kami magiging overconfident na sabihing sure na kami sa Final Four,” pahayag ni head coach Rald Ricafort.
Itatapat ng Galeries Tower si Shola Alvarez katulong sina Rap Aguilar, Grazielle Bombita, Roma Joy Doromal, Andrea Marzan at Dimdim Pacres.
Kulelat ang Highrisers sa nakaraang torneo sa tinapos na 1-11 kartada.
- Latest