Capital1 bibinyagan ng Chery Tiggo
SGA sasagupa sa Petro Gazz sa PVL opener
MANILA, Philippines — Bubuksan ng bagitong Capital1 Solar Energy ang kampanya sa 2024 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Lalabanan ng Solar Spikers ang Chery Tiggo Crossovers ngayong alas-6 ng gabi matapos ang upakan ng Petro Gazz at baguhang Strong Group Athletics sa alas-4 ng hapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
“Gutom sila sa playing time so I am very sure they will give it their all each game. Lalaban sila ng sabayan sa mga established teams in the league,” sabi ni coach Roger Gorayeb sa kanyang Capital1 team.
Sina Heather Guino-o at Jannine Navarro, Arriane Layug, Jorelle Singh at Janeca Lana ang babandera sa tropa nina co-owners Mandy at Milka Romero.
Ang podium finish naman ang hangad ng Chery Tiggo na ipaparada sina dating F2 Logistics veterans Aby Maraño at Ara Galang.
“Of course, alam naman namin na iyong grupo namin composed siya ng mga bata,” ani reigning All-Filipino Conference 1st Best Outside Spiker Eya Laure. “So ngayon na may mga veterans na dumating, marami kaming matututunan sa kanila from their experience.”
Sa unang laro, ang unang panalo sa torneo ang kapwa pakay ng Petro Gazz at SGA.
Itatampok ng Crossovers si University of Hawaii standout Brooke Van Sickle na gumawa ng eksena sa nakaraang Philippine National Volleyball Federation (PNVF Champions League.
“I want to be able to support my teammates and be there for them, and just be that consistent player. But going into the PVL, yeah, I’m excited,” wika ng 24-anyos na si Van Sickle.
- Latest