Heat vs Nuggets sa NBA finale
Boston — Itinakda ng Miami Heat ang kanilang NBA best-of-seven championship showdown ng Denver Nuggets.
Ito ay matapos kumamada si Jimmy Butler ng 28 points para tulungan ang Heat sa 103-84 pagpapatalsik sa Celtics sa Game Seven ng kanilang Eastern Conference finals series.
Nagdagdag si Caleb Martin ng 26 points at 10 rebounds para plantsahin ang NBA Finals duel ng Miami at Denver.
“This group has shown fortitude, when there are inevitable letdowns and failures, to have that perseverance to pick yourself up, to have that collective spirit to keep on forging ahead until you get to accomplish what you want to,” ani Fil-Am coach Erik Spoelstra.
Nakatakda ang Game One sa Biyernes sa homecourt ng Nuggets, winalis ang Los Angeles Lakers sa Western Conference finals.
Nakabawi ang Heat matapos isuko ang 3-0 lead sa Celtics sa serye papasok sa NBA Finals sa ikalawang pagkakataon sa huling apat na seasons.
“We stayed together as a group. As a team, we talked about going and getting a tough one on the road. We did just that,” ani Butler na hinirang na Eastern Conference finals MVP.
Nag-ambag si Bam Adebayo ng 12 points at 10 rebounds para sa Miami na unang No. 8 seed na maglalaro sa NBA Finals matapos ang 1999 New York Knicks.
Kumolekta si Jayson Tatum, kumana ng Game Seven record na 51 points laban sa Philadelphia 76ers sa conference semis, ng 14 points at 11 rebounds para sa Boston.
Nagkaroon siya ng left ankle sprain sa kaagahan ng first period na nakaapekto sa kanyang laro habang nag-ambag si Jaylen Brown ng 19 points at may 18 markers si Game Six hero Derrick White.
- Latest