Commissioner’s Cup ang magbubukas sa PBA Season 48
MANILA, Philippines — Imbes na ang tradisyunal na Philippine Cup, ang Commissioner’s Cup ang magbubukas sa PBA Season 48 sa Oktubre.
Ang nasabing import-flavored tournament ang magiging unang koronang pag-aagawan sa two-conference format ng liga.
Walang idaraos na Governors’ Cup para sa darating na season.
“The first conference will be the Commissioner’s Cup with a height limit of 6-foot-9 and below,” ani PBA Commissioner Willie Marcial sa pagtatapos ng PBA Board annual planning session.
Ang ginawang pagbabago ng PBA sa kanilang kalendaryo ay para sa paglalaro ng Barangay Ginebra at TNT Tropang Giga sa East Asia Super League (EASL) home-and-away meet sa parehong buwan.
Gagamit ang EASL ng isang two-import format kung saan lumahok ang TNT at San Miguel na idinaos sa Japan.
Inaasahan ang muling paglahok ng Hong Kong-based na Bay Area Dragons sa 2023 PBA Commissioner’s Cup matapos silang talunin ng Ginebra sa nakaraang PBA Finals.
Muling ipaparada ng Bay Area si dating NBA player Andrew Nicholson bilang kanilang import para sa opening conference.
Pinadapa ng Gin Kings ang Dragons sa Game Seven na sinaksihan ng 54,589 sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Matapos ang Commissioner’s Cup ay gagawin naman ang Philippine Cup sa Enero ng 2024.
Bahagi rin ng pagbabago sa iskedyul ng PBA ang pagsabak ng Gilas Pilipinas sa 2023 FIBA World Cup na nakatakda sa Agosto 25 hanggang Setyembre 10
- Latest