UP sinakmal ng NU
MANILA, Philippines — Kinailangan ng defending champion National University na kumayod ng husto upang igupo ang University of the Philippines, 25-21, 27-25, 25-20, sa UAAP Season 85 women’s volleyball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Muling nag-init si reigning MVP Bella Belen nang humataw ito ng 19 points at 11 excellent receptions para tulungan ang Lady Bulldogs na makabalik sa porma matapos ang dalawang sunod na kabiguan sa kamay ng De La Salle University.
Magandang resbak ito para kay Belen na bigong makapuntos laban sa UP sa first round ng eliminasyon.
“That’s one of my goals today. I did not only intend for my team to win but also for me to bounce back. I remembered not playing that much in the first round. I’m happy that our team was able to perform this time,” ani Belen.
Nakatuwang ni Belen si team captain Princess Robles na nagtala ng 11 puntos habang gumawa naman si Season 84 Best Opposite Hitter Alyssa Solomon ng siyam na puntos kabilang ang dalawang blocks.
“Kanina kasi sabi ko sa kanila nung first round four sets kami ng UP so nagset kami ng goal na kailangan this time straight sets lang kung kaya,” ani Robles.
Sumulong ang NUs sa 6-3 rekord para samahan sa ikatlong puwesto ang UST na may parehong baraha.
Nagparamdam din sina reigning Best Middle Blocker Sheena Toring at Erin Pangilinan ng pinagsamang 15 puntos para makapag-ambag sa produksiyon ng NU.
Nakagawa si playmaker Cams Lamina ng 18 excellent sets habang may 11 digs si Shaira Jardo at 14 receptions si Jen Nierva.
Nanganganib na masibak ang Fighting Maroons na bumagsak sa 1-8 baraha.
Sa men’s division, nanaig din ang reigning champion National University sa UP, 25-14, 25-18, 23-25, 25-21, para manatiling malinis ang rekord nito.
Wala pa ring bahid ang kartada ng Bulldogs na sumulong sa 9-0 marka habang nakalugmok sa ilalim ng standings ang Fighting Maroons na wala pa ring panalo sa siyam na laro.
- Latest