Obiena, Yulo at Filipinas mangunguna sa Major Awardees ng PSA
MANILA, Philippines — Sina World Championship medalists Carlos Yulo at EJ Obiena kasama ang history maker na Philippine women’s football team ang tatanggap ng Major Awards sa 2022 San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association (SMC-PSA) Awards Night sa Marso 6 sa grand ballroom ng Diamond Hotel.
Inangkin ni Yulo ang silver at bronze sa men’s vault at parallel bars ng 51st FIG Artistic Gymnastics World Championships sa Liverpool England habang nagtala si Obiena ng bagong Asian-high mark na 5.94 meters para sa historic bronze sa World Athletics Championships sa Oregon.
Bukod sa kanyang World Championship stint ay nag-uwi rin ang 22-anyos na si Yulo ng tatlong gold medals sa 9th Artistic Gymnastics Championships sa Doha, Qatar mula sa mga panalo sa vault, parallel bars at floor exercise at isang silver sa all-around.
Naghari naman si Obiena sa mga pole vault tournaments sa Europe at matagumpay na nakapagdepensa sa Vietnam SEA Games sa pagtatala ng bagong meet record na 5.46m.
Si Olympic gold medalist Hidilyn Diaz ang gagawaran ng PSA Athlete of the Year award sa ikalawang sunod na pagkakataon.
Samantala, kumuha ang Filipinas ng kauna-unahang tiket para sa FIFA Women’s World Cup matapos ang third place finish sa AFC Women’s Asian Cup sa ilalim ni coach Alen Stajcic.
Tatanggap din ng Major Awards ang 12 pang atleta sa gala night na inihahandog ng Philippine Sports Commission at Cignal TV katuwang ang Philippine Olympic Committee, si Tagaytay City Mayor Abraham ‘Bambol’ Tolentino, ang MILO, Smart, MVP Sports Foundation, Rain or Shine, si 1Pacman Rep. Mikee Romero, ang Philippine Basketball Association, OKBet at ICTSI.
- Latest