Wolves wagi; Irving lumipat sa Mavs

MINNEAPOLIS — Kumamada si forward Anthony Edwards ng 20 points at nagposte si guard D’Angelo Russell ng 18 markers at 10 assists para banderahan ang Minnesota Timberwolves sa 128-98 paglapa sa Denver Nuggets.
Nagdagdag si center Rudy Gobert ng 16 points para sa Timberwolves (29-27) na sinamantala ang hindi paglalaro ni two-time MVP Nikola Jokic at tatlo pang starters para sa Nuggets (37-17).
Bukod kay Jokic (left hamstring tightness), hindi rin sumalang sina Jamal Murray (left knee injury management), Aaron Gordon (left ankle sprain) at Kentavious Caldwell-Pope (right ankle sprain).
Sinimulan ng Minnesota ang second period sa pagtatala ng 20-point lead na hindi na napababa ng Denver sa second half.
Pinamunuan ni Michael Porter Jr., ang Nuggets sa kanyang 22 points kasunod ang 19 markers ni Christian Braun.
Sa Memphis, umiskor si Pascal Siakam ng 19 points sa 106-103 paglusot ng Toronto Raptors (25-30) sa Grizzlies (32-21).
Sa New York, nagsumite si Julius Randle ng 24 points, 9 rebounds at 7 assists sa 108-97 panalo ng Knicks (29-26) sa Philadelphia 76ers (34-18).
Sa Indianapolis, humataw si Darius Garland ng 24 points sa 122-103 paggupo ng Cleveland Cavaliers (33-22) sa Indiana Pacers (25-30).
Sa New Orleans, nagsalpak si Trey Murphy III ng season-high na 30 points tampok ang anim na 3-pointers para tulungan ang Pelicans (28-27) sa 136-104 paggiba sa Sacramento Kings (29-23).
Samantala, ibinigay ng Brooklyn Nets si Kyrie Irving sa Dallas Mavericks.
Makukuha ng Nets sina Spencer Dinwiddie at Dorian Finney-Smith bukod sa ilang draft picks mula sa Mavericks kapalit ni Irving kasama si Markieff Morris.
“Thank you NetsWorld fans and supporters for the Love on and off the court,” ang tweet ni Irving.
- Latest