San Miguel muntik na sa Magnolia
MANILA, Philippines — Itinagay ng San Miguel ang kanilang ikaapat na sunod na panalo matapos takasan ang Magnolia, 100-98, sa 2023 PBA Governors’ Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Kumolekta si import Cameron Clark ng 19 points at 10 rebounds, habang may 18 markers si Marcio Lassiter tampok ang anim na triples para sa pagsosyo ng Beermen sa Converge FiberXers at NLEX Road Warriors sa liderato.
Nag-ambag si CJ Perez ng 17 points, ngunit naimintis ang dalawang free throws sa huling 10.2 segundo ng laro.
Mabuti na lang at nasupalpal ni Lassiter ang tangkang tres ni Paul Lee sa posesyon ng Hotshots na nahulog sa 0-3 marka.
Hinugot ng Magnolia si dating Terrafirma import Antonio Hester para palitan si Erik McCree.
Inilista ng San Miguel ang 100-91 abante sa huling 1:18 minuto ng laro mula sa basket ni Clark.
Ngunit kumonekta si Mark Barroca ng tres at nagdagdag ng dalawang basket si Calvin Abueva para idikit ang Hotshots sa 98-100 sa natitirang 18.7 segundo.
Samantala, nagsalpak si Dominick Fajardo ng 11 points sa 19-15 panalo ng Cavitex sa Pioneer Elastoseal para pagharian ang Leg 4 ng PBA 3x3 Third Conference Season 2.
Binigo ng TNT Tropang Giga ang Platinum, 20-18, para sa third place.
- Latest