James puro na sa pagbura sa record ni Jabbar

INDIANAPOLIS — Kumolekta si LeBron James ng 26 points, 7 rebounds at 7 assists para ibangon ang Los Angeles Lakers mula sa 14-point deficit at agawin ang 112-111 panalo kontra sa Indiana Pacers.
May 38,325 points si James at inaasahang malalampasan ang career scoring record na 38,387 points ni NBA legend Kareem Abdul Jabbar.
Humakot si big man Anthony Davis ng 31 points para sa Lakers (25-26).
Umiskor si Aaron Nesmith ng career-high na 24 points at naglista si Tyrese Haliburton ng 26 points at 12 assists sa panig ng Pacers (24-29).
Bigo si Buddy Hield na maipasok ang kanyang 17-footer sa pinakahuling posesyon ng Indiana.
Sa Denver, kumamada si Jamal Murray ng 33 points at inilista ni Nikola Jokic ang kanyang ika-17 triple-double sa season sa 134-117 paggupo ng Nuggets (36-16) sa nagdedepensang Golden State Warriors (26-26).
Tumapos si Jokic na may 22 points, 16 assists at 14 rebounds.
Sa Milwaukee, humataw si Giannis Antetokounmpo ng 20 sa kanyang 54 points sa fourth quarter sa 106-105 pag-eskapo ng Bucks (35-17) sa LA Clippers (29-26).
Sa New York, tumipa si forward RJ Barrett ng 30 points para sa 106-104 paglusot ng Knicks (28-25) sa Miami Heat (29-24).
Sa Dallas, naghulog si Luka Doncic ng 31 points bago mawala sa third quarter sa 111-106 panalo ng Mavericks (28-25) sa New Orleans Pelicans (26-27).
Sa Cleveland, nagpaputok si Darius Garland ng 32 points sa 128-113 pagtusok ng Cavaliers (32-22) sa Memphis Grizzlies (32-20).
Sa Chicago, nagtala si Ayo Dosunmu ng 22 points sa 114-98 pagsuwag ng Bulls (24-27) sa Charlotte Hornets (15-38).
- Latest