Creamline sisimulan ang title defense

MANILA, Philippines — Simula na ng bakbakan ng mga matitikas na volleyball players sa bansa sa pagpalo ng Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference ngayong araw sa Smart Araneta Coliseum.
Bubuksan ng Creamline ang pagdedepensa sa titulo sa pagharap sa Reinforced Conference champion na Petro Gazz sa alas-6 ng gabi.
Magtutuos naman ang Akari Chargers at Choco Mucho sa alas-4 ng hapon.
Sa kabila ng pagkawala ni team captain Alyssa Valdez dahil sa knee injury ay nananatiling malakas ang lineup ng Cool Smashers.
Nariyan sina two-time MVP Tots Carlos, outside hitter Jema Galanza, middle blockers Ced Domingo at Jeanette Panaga, libero Kyla Atienza at playmaker Jia Morado.
Bagong coach ang ipaparada ng Petro Gazz sa katauhan ni dating Choco Mucho head coach Oliver Almadro na humalili kay Rald Ricafort.
Wala na sa Gazz Angels si top outside hitter Myla Pablo.
Ngunit pinalitan siya nina Des Clemente at Dzi Gervacio kasama sina Heather Guinoo at Jellie Tempiatura.
Bago rin ang head coach ng Choco Mucho matapos italaga si dating men’s national volleyball team head coach Dante Alinsunurin.
Hahataw para sa Flying Titans sina Kat Tolentino, Bea De Leon, Maddie Madayang, Des Cheng, Cherry Nunag, Isa Molde at playmaker Deanna Wong.
Tatapatan ito ng Akari sa pangunguna ni Dindin Santiago-Manabat na mula sa Chery Tiggo.
Nakuha rin ng Chargers sina Camille Victoria (UST), Bang Pineda (Petro Gazz) at Eli Soyud (PLDT).
- Latest