Blackwater, NLEX may bagong import
MANILA, Philippines — Matapos ang NLEX ay ang Blackwater naman ang magpaparada ng bagong import sa kanilang kampanya sa 2023 PBA Governors’ Cup.
Kinuha ng Bossing si dating NBA player Troy Williams para palitan si Shawn Glover na nagtala ng 16 points, 12 rebounds at 7 turnovers sa kanilang 86-105 pagyukod sa San Miguel noong Miyerkules.
Noong nakaraang Huwebes pa dumating sa bansa ang 28-anyos na si Williams para isalba ang Blackwater sa season-ending conference.
Bagama’t hindi napili noong 2016 NBA Draft ay nakapaglaro naman si Williams sa Memphis Grizzlies, Houston Rockets, New York Knicks at Sacramento Kings mula noong 2016 hanggang 2019.
Ang produkto ng Indiana ay hinirang na 2017 NBA D-League slam dunk champion.
Nanggaling si Williams sa paglalaro sa T1 League sa Taiwan kung saan niya naging teammate si dating NBA superstar Dwight Howard para sa Taoyuan Leopards.
Samantala, sasaluhin naman ni dating NBA player Wayne Selden ang maiiwang trabaho ni Jonathon Simmons para sa Road Warriors.
Nakatakda na kasing bumalik si Simmons sa China sa Linggo para kumampanya sa Chinese Basketball Association (CBA).
- Latest