Bucks hiniya ang Pacers sa balwarte
INDIANAPOLIS — Naglatag si Giannis Antetokounmpo ng 41 points, 12 rebounds at 6 assists para sa 141-131 dominasyon ng Milwaukee Bucks sa Indiana Pacers.
Umiskor si guard Jrue Holiday ng 23 points para sa Milwaukee (32-17) habang may 17 markers si forward Khris Middleton sa loob ng 15 minutong paglalaro.
Nagdagdag si center Brook Lopez ng 15 points at may 14 markers si Pat Connaughton.
Binanderahan ni center Myles Turner ang Indiana (24-2) sa kanyang 24 points kasunod ang 22 markers ni Buddy Hield.
Ang pang-siyam sa 19 three-point shot ng Bucks na bahagi ng inihulog na 15-3 bomba ang nagbigay sa kanila ng 45-30 abante sa pagtatapos ng first quarter patungo sa 85-52 pagbaon sa Pacers sa huling minuto bago ang halftime.
Huling naghamon ang Indiana sa 124-131 agwat sa huling 3:27 minuto ng fourth quarter kasunod ang pagbibida ni Antetokounmpo.
Sa Miami, kumamada si Jimmy Butler ng 29 points at may 20 markers si Bam Adebayo sa 110-105 pagsilab ng Heat (28-22) sa Orlando Magic (19-30).
Sa Oklahoma City, umiskor si Shai Gilgeous-Alexander ng 35 points sa 112-100 pagsapaw ng Thunder (24-25) sa Cleveland Cavaliers (30-21).
Sa Minneapolis, iniskor ni Anthony Edwards ang 13 sa kanyang 25 points sa third quarter sa 111-100 pagpulutan ng Minnesota Timberwolves (26-25) sa Memphis Grizzlies (31-18).
- Latest