TNT sosyo sa liderato
Rain or Shine pinaulanan ng tres
MANILA, Philippines — Bumangon ang TNT Tropang Giga mula sa 18-point deficit sa second period para resbakan ang Rain or Shine, 105-100, at sumosyo sa liderato ng 2023 PBA Governors’ Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Nagsalpak ang Tropang Giga ng 17 three-point shots para iposte ang 2-0 record at inihulog ang Elasto Painters sa 0-2.
Naglista si import Jalen Hudson ng 24 points at 13 rebounds para sa TNT habang may 24 markers din si Mikey Williams bukod sa 10 boards at 7 assists.
Umiskor si Roger Pogoy ng 22 points tampok ang anim na triples para sa koponan ni coach Jojo Lastimosa.
“I think we just give credit to Rain or Shine defense because they were really playing good basketball. Sometimes you have to give them credit in order for you to do something in that game,” ani Lastimosa.
Binanderahan ni import Michael Qualls ang Rain or Shine sa kanyang 35 points, 17 rebounds, 5 assists, 2 steals at 2 blocks.
Ang tres ni Gabe Norwood ang naglatag sa 47-29 abante ng Elasto Painters bago nakabangon ang Tropang Giga sa second half para agawin ang 100-94 bentahe sa huling 2:54 minuto.
Huling nagbanta ang Rain or Shine sa 100-102 galing sa basket ni Qualls sa natitirang 46 segundo ng final canto kasunod ang triple ni Williams sa nalalabing 26.3 segundo na sumelyo sa panalo ng TN
Sa unang laro, nagposte si import Shawn Glover ng 30 points, 13 rebounds, 3 assists, 2 steals at 2 blocks para sa 108-105 pag-eskapo ng Blackwater sa Phoenix.
Nagdagdag si Baser Amer ng 17 points para sa 1-1 baraha ng Bossing habang may 14 at 10 markers sina Ato Ular at Yousef Taha, ayon sa pagkakasunod.
“We treated it talaga as a championship game kasi siyempre, it’s hard to be down 0-2, sunud-sunod na iyong mga games eh, mahirap makabawi,” wika ni coach Ariel Vanguardia.
- Latest