Spurs bugbog sa Clippers
LOS ANGELES — Nagsunog si Paul George ng 35 points habang may 27 markers si Kawhi Leonard para sa 138-100 paglunod ng Clippers sa San Antonio Spurs.
Ito ang pang-pitong panalo ng Los Angeles (27-24) sa siyam na paghaharap nila ng San Antonio (14-35) kasama ang pagwalis sa kanilang four-game season series sa unang pagkakataon sapul noong 1996-97.
Kumonekta ang Clippers ng 18 three-pointers at kinuha ang 41-25 abante sa first quarter patungo sa pagtatala ng 78-57 halftime lead para sa kanilang ikaapat na sunod na ratsada.
Pinamunuan ni Keldon Johnson ang San Antonio sa kanyang 19 points.
Sa Phoenix, nagsalpak si Spencer Dinwiddie ng season-high na 36 points sa 99-95 pagtakas ng Dallas Mavericks (26-24) sa Suns (25-25).
Sa Boston, umiskor si Julius Randle ng 37 points para tulungan ang New York Knicks (27-23) sa 120-117 overtime win sa East-leading na Celtics (35-15).
Sa Houston, naglista si Darius Garland ng 26 points sa 113-95 pagtusok ng Cleveland Cavaliers (30-20) sa Rockets (11-38).
Sa New York, humataw si Saddiq Bey ng 25 points sa 130-122 paggiba ng Detroit Pistons (13-37) sa Brooklyn Nets (29-19).
- Latest