Lastimosa tagumpay ang coaching debut
Hudson hataw sa panalo ng Tropang Giga
MANILA, Philippines — Panalo kaagad ang ibinigay ng TNT Tropang Giga kay interim coach Jojo Lastimosa.
Nagsumite si import Jalen Hudson ng 34 points, 10 rebounds at 7 assists sa 123-119 pagdaig ng Tropang Giga sa Phoenix Fuel Masters sa 2023 PBA Governors’ Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Tumipa si Roger Pogoy ng 21 markers habang may 17 at tig-10 points sina Calvin Oftana, Jason Castro, Kelly Williams at Justin Chua, ayon sa pagkakasunod.
“Definitely we scored more than we expected to score,” ani Lastimosa. “We have to look at the defensive side because what happened was last conference I think the defense was suffering.”
Bumandera si balik-import Du’Vaughn Maxwell sa panig ng Phoenix sa kanyang 21 points, 19 boards, 5 assists at 5 blocks.
Matapos kunin ang 93-89 abante sa pagtatapos ng third period ay naghulog ang Tropang Giga ng 15-5 bomba sa pamumuno nina Oftana at Jason Castro para sa kanilang 108-94 bentahe sa 9:36 minuto ng fourth quarter.
Hindi bumigay ang Fuel Masters at nakalapit pa sa 112-117 sa huling 2:17 minuto mula sa dalawang free throws ni Encho Serrano.
Ngunit ang jump shot ni Poy Erram at dalawang charities ni Hudson ang muling naglayo sa TNT sa 121-112 sa natitirang 1:16 minuto ng laro.
Sa unang laro, kumolekta si NBA veteran Jonathan Simmons ng 32 points, 9 rebounds, 7 assists at 2 steals sa 124-102 paggupo ng NLEX sa Blackwater.
Ilang oras bago ang laban ng Road Warriors ay nakakuha si Simmons, kumampanya para sa San Antonio Spurs, Orlando Magic at Philadelphia 76ers, ng FIBA clearance mula sa kanyang mother ballclub na Shanxi Loongs para makapaglaro sa PBA.
Pinamunuan ni balik-import Shawn Glover ang Bossing sa kanyang 26 points, 7 assists at 5 rebounds.
- Latest