Magnolia ibubulsa ang No. 2 berth
MANILA, Philippines — Ang talunin ang Rain or Shine ang kailangang gawin ng Magnolia para tuluyan nang angkinin ang No. 2 ticket kasama ang ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinal round.
Lalabanan ng Hotshots ang Elasto Painters ngayong alas-5:45 ng hapon matapos ang sultada ng San Miguel Beermen at sibak nang Meralco Bolts sa alas-3 sa 2022 PBA Commissioner’s Cup sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nasa bulsa na ng guest team na Bay Area (10-2) ang No. 1 ticket habang target ng Magnolia (9-2) ang No. 2 berth.
“Our destiny is in our hands,” sabi ni deputy coach Jason Webb sa Hotshots na nagmula sa 108-96 paggupo sa Bolts noong Linggo.
May ‘twice-to-beat’ advantage ang No. 1 at No. 2 teams kontra sa No. 8 at No. 7 squads, ayon sa pagkakasunod, sa quarterfinals at magtutuos sa best-of-three series ang No. 3 at No. 6 at ang No. 4 at No. 5.
Kung matatalo ang Magnolia sa Rain or Shine (5-6), ang Barangay Ginebra (9-3) ang sisikwat sa No. 2 berth.
“We’re No. 2 or No. 3. (Rain or Shine) coach Yeng (Guiao) may pull of something on Friday, and we will be cheering for them,” wika ni Gin Kings’ coach Tim Cone.
Hangad din ng Elasto Painters ang panalo para pormal na pitasin ang No. 8 spot kasabay ng pagpapatalsik sa NLEX Road Warriors (5-7).
Sa unang laro, puntirya ng San Miguel (6-5), ang No. 5 team na haharap sa No. 4 Converge (8-4) sa quarters, ang kanilang ikaapat na sunod na panalo sa pagsagupa sa Meralco (4-7).
Si assistant Jorge Gallent ang muling gagabay sa Beermen laban sa Bolts.
Iginiya ni Gallent ang SMB sa tatlong dikit na pananalasa sapul nang isailalim si coach Leo Austria sa health and safety protocols.
- Latest