Road warriors lusot sa Gin kings sa OT
MANILA, Philippines — Pinigilan ng NLEX ang paglapit ng Barangay Ginebra sa ‘twice-to-beat’ incentive matapos ilusot ang 120-117 overtime win sa 2022 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Kumolekta si import Earl Clark ng 37 points, 17 rebounds at 7 assists para wakasan ang five-game losing slump ng Road Warriors at ilista ang 4-7 record.
Nag-ambag si Don Trollano ng 26 markers.
Napigilan naman ang limang sunod na ratsada ng Gin Kings para sa kanilang 7-3 baraha.
Humakot si import Justin Brownlee ng 39 points, 11 boards at 5 assists para sa Ginebra na inagaw ang 113-111 abante sa huling 13.6 segundo ng fourth period.
Dinala ni Clark ang NLEX sa extra period mula sa kanyang jumper.
Huling napasakamay ng Gin Kings ang bentahe sa 117-116 mula sa tirada ni Scottie Thompson sa 2:00 minuto ng laro.
Ang triple ni big man Brandon Ganuelas-Rosser ang naglayo sa Road Warriors sa 119-117 sa natitirang 1:37 minuto.
Sa unang laro, humakot si import Ryan Pearson ng 22 points, 12 rebounds at 5 assists para akayin ang Rain or Shine sa 116-97 paggupo sa talsik nang Blackwater.
Nag-ambag si Rey Nambatac ng 21 markers kasunod ang tig-13 points nina Anton Asistio at Nolbert Torres para tapusin ang two-game losing skid ng Elasto Painters at ilista ang 5-6 rmarka.
Sakaling talunin ng Rain or Shine ang Magnolia sa huli nilang laro sa Disyembre 2 ay makakasama sila sa eight-team quarterfinal cast.
Si Pearson ang inaasahan ni coach Yeng Guiao na magdadala sa kanila sa mahalagang panalo.
“He’s playing better, he’s actually more efficient now, he’s rebounding better, mas gamay na niya mga kasama niya,” wika ni Guiao sa kanilang import.
Tinapos naman ng Bossing ang kanilang kampanya sa 3-9 kasama ang anim na dikit na kamalasan.
Tumipa si import Cameron Krutwig lng 23 points, 17 rebounds at 4 assists sa panig ng Blackwater na nakahugot kay Jolo Go ng career-high na 18 markers.
Naglaro ang Bossing na wala sina injured starters Troy Rosario, Baser Amer, Jayvee Casio, Yousef Taha at Joshua Torralba.
- Latest