La Salle, Adamson mag-uunahan para sa huling semifinal berth
MANILA, Philippines — Isang tiket na lamang ang pag-aagawan sa Final Four ng UAAP Season 85 men’s basketball tournament.
At ang De La Salle University at Adamson University ang dalawang koponang maglalaban para sa nasabing posisyon.
Sasagupain ng Green Archers ang sibak nang University of the East Red Warriors ngayong alas-3 ng hapon at lalabanan ng Soaring Falcons ang National University Bulldogs sa alas-11 ng umaga sa Smart Araneta Coliseum.
Sa ala-1 ng hapon magtatapat ang mga talsik nang Far Eastern University Tamaraws at University of Santo Tomas Growling Tigers at magkikita ang nagdedepensang University of the Philippines Fighting Maroons at Ateneo Blue Eagles sa alas-6:30 ng gabi.
Bitbit ng UP ang 11-2 record kasunod ang Ateneo (9-3), NU (9-4), La Salle (6-6), Adamson (6-6), UE (4-9), FEU (4-9) at UST (1-11).
Kasalukuyang nasa three-game winning streak ang Green Archers tampok ang 63-58 paggupo sa Bulldogs noong Miyerkules.
“We needed this win because we’re aiming to be in the Final Four,” sabi ni La Salle guard Penny Estacio na humataw ng kabuuan niyang 13 points sa third period para ungusan ang NU.
Susunod na lalabanan ng Green Archers ang Growling Tigers sa Miyerkules.
Kailangang manalo ng Soaring Falcons laban sa Bulldogs at sa Blue Eagles sa Miyerkules para sa tsansa sa huling Final Four spot.
Kung magtatapos sa magkaparehong baraha ang La Salle at Adamson ay maglalaban sila sa isang playoff game para sa No. 4 ticket.
Samantala, target naman ng Ateneo ang ikalawang ‘twice-to-beat’ bonus sa Final Four laban sa UP.
- Latest