TNT nakatutok sa Finals berth
MANILA, Philippines — Sa bawat serye, ang pinakamahirap na gawin ay ang tapusin ito.
Hawak ang 3-1 lead, pi-lit na tatapusin ng nagdedepensang TNT Tropang Giga ang kanilang 2022 PBA Philippine Cup semifinals series ng Magnolia sa Game Five ngayong alas-3 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
“There’s nothing much to be said. They know the most difficult win to get in any series is the No. 4 (win),” sabi ni Tropang Giga coach Chot Reyes sa Hotshots. “We have to be extra ready for it.”
Dalawang beses tinalo ng TNT ang Magnolia para makaabante sa kanilang best-of-seven duel at makalapit sa inaasam na ika-21 PBA Finals appearance.
Ang game-winning three-point shot ni Jayson Castro sa huling 2.4 segundo ang nagtakas sa 93-92 panalo ng Tropang Giga sa Game Three habang dinomina nila ang Hotshots sa Game Four, 102-84.
“From the elimination hanggang sa rito we just try to play our defense but we’re always in foul trouble,” wika ni Magnolia mentor Chito Victolero kina Paul Lee, Calvin Abueva at Ian Sangalang.
Bagama’t hindi naka-iskor sa first half ay humataw naman si Mikey Williams ng 14 points sa fourth quarter para sa paglayo ng TNT.
Sa ikalawang laro, pag-aagawan ng San Miguel at Meralco ang 3-2 lead sa kanilang duwelo sa alas-6 ng gabi.
Itinabla ng Bolts ang kanilang semis showdown ng Beermen sa 2-2 matapos kunin ang 111-97 tagumpay sa Game Four.
“We just tried to take advantage of some of the things that we saw in Game 3. It worked out for us,” ani Meralco coach Norman Black.
- Latest