Creamline lalapit sa finals ng PVL
MANILA, Philippines — Hangad ng Open Conference champion na Creamline na makalapit sa finals slot sa pagharap sa mapanganib na Cignal sa pagpapatuloy ng Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference semifinal round sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Magtutuos ang Cool Smashers at HD Spikers sa alas-5:30 ng hapon, habang masisilayan ang duwelo ng Philippine Army at foreign guest team na King Whale ng Chinese-Taipei sa alas-2:30 ng hapon.
Namamayagpag ang Creamline matapos kumunekta ng dalawang sunod na panalo kabilang ang 22-25, 25-27, 25-21, 25-19, 15-12, come-from-behind win laban sa PLDT Home Fibr noong Sabado.
Si Open Conference MVP Tots Carlos ang muling sasandalan ng Cool Smashers kasama sina team captain Alyssa Valdez, outside hitter Jema Galanza at middle blockers Jeanette Panaga at Celine Domingo.
Subalit mapapalaban ang Cool Smashers sa HD Spikers na tumalo sa kanila sa eliminasyon.
Nagbalik na ang bagsik ng Cignal dahil nasa lineup na ulit si outside hitter Ces Molina matapos magtamo ng sprain sa eliminasyon.
Sa kabilang banda, kakaliskisan ng Army ang Taiwanese team na King Whale.
Tanging ang King Whale lamang ang foreign guest team matapos mabigong makarating ang Kobe Shinwa ng Japan dahil sa safety and health protocols.
Hindi na rin matutuloy ang partisipasyon ng national team sa semis matapos umalma ang National University.
May 12 players kasi ang Lady Bulldogs sa lineup ng national team.
- Latest