Curry dedma sa malamyang inilaro sa Game 5
SAN FRANCISCO — Hindi inasahan ng mga Golden State Warriors fans na tatapusin ni NBA Three-Point king Stephen Curry ang laro na walang naisalpak na triple sa 104-94 panalo sa Boston Celtics sa Game Five ng NBA Finals noong Martes.
Naimintis ni Curry ang ibinato niyang siyam na tira sa 3-point line.
“I’m not afraid to go 0-for-whatever because I’m going to keep shooting and taking shots that you normally feel like you can make,” ani Curry. “And I’ve responded well when I’ve had games like that from the 3-point line.”
Tumapos si Curry na may 16 points mula sa mahinang 7-of-22 fieldgoal shooting sa loob ng 35 minutong paglalaro.
Sinalo nina Andrew Wiggins at Klay Thompson ang trabaho ni Curry para sa 3-2 lead ng Warriors sa kanilang best-of-seven series ng Celtics.
Dadalhin ang Game Six sa TD Garden bukas (Manila time) kung saan pipilitin ng Celtics na makatabla sa Warriors para makahirit ng Game Seven na gagawin sa San Francisco.
- Latest