^

PSN Palaro

Sotto nag-workout sa Orlando Magic camp

Chris Co - Pilipino Star Ngayon
Sotto nag-workout sa Orlando Magic camp
Kai Sotto.
Instagram / Kai Sotto

MANILA, Philippines — Sinisimulan na ni Kai Sotto na magpasiklab sa mga NBA teams upang magkaroon ang mga ito ng interes sa Pinoy cager para sa 2022 NBA Rookie Draft na gaganapin sa Hunyo 23 (Hunyo 24 sa Maynila) sa Brooklyn, New York.

Nagpatikim si Sotto sa kanyang social media account kung saan may post ito sa home court ng Orlando Magic.

Dumalo ang 7-foot-3 Pinoy cager sa workout ng Orlando at umaasa ito na makukuha nito ang atensiyon ng mga coaches doon.

Ang Magic ang nagmamay-ari ng top pick sa rookie draft sa taong ito.

Maliban sa top pick, pipili rin ang Orlando ng dalawang players sa se­cond round — ang No. 32 at No. 35 picks.

Ito ang ikalawang NBA team na dinaluhan ni Sotto.

Nauna nang sumalang sa workout si Sotto sa New York Knicks.

Inaasahang masisilayan si Sotto sa workouts ng iba pang NBA teams sa mga susunod na araw upang mabigyan ng pagkakataon ang mga ito na kilatisin ang husay ng Pinoy player.

Hindi nakalahok si Sotto sa NBA Combine na ginanap sa Chicago noong nakaraang linggo.

Ang NBA Combine ang isa sa daan para makita ng coaches at agents ng mga NBA teams ang abilidad at kakayahan ng mga players na kalahok sa rookie draft.

Target ni Sotto na ma­ging kauna-unahang pure Pinoy player na makakapasok sa NBA.

KAI SOTTO

Philstar
  • Latest
Latest