Kiefer out na sa SEA Games

Kiefer Ravena.
STAR/File

MANILA, Philippines — Ang 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam ang huling pagkakataon na nasilayan si Kiefer Ravena suot ang Gilas Pilipinas jersey sa SEA Games.

Ito ay matapos magdesisyon si Ravena na ito na ang kanyang huling SEA Games matapos ang anim na edisyong paglalaro nito sa biennial meet.

Inihayag nito ang kanyang desisyon sa kanyang Instagram story kung saan magreretiro na ito sa pag­lalaro sa SEA Games upang mabigyan ng pagkakataon ang ibang pla­yers na maranasan ang maging bahagi ng national team.

Isang malaking kara­ngalan para kay Ravena na katawanin ang bansa sa isang international tournament gaya ng SEA Games.

“That’s it for me. H­anging these bad boys up for my last SEA Games. Been my absolute pleasure playing for the Philippines,” ani Ravena.

Sa anim na pagkaka­taon, nakalikom si Ravena ng limang ginto at isang pilak na medalya.

Advertising
Scroll to continue

Unang sumabak si Ravena sa SEA Games noong 2011 sa Jakarta, Indonesia kung saan nasungkit nito ang kanyang unang gintong medalya.

Nasundan ito noong 2013 sa Naypyidaw, Myanmar, 2015 sa Singapore, 2017 sa Kuala Lumpur, Malaysia, at 2019 sa Maynila.

Hindi maganda ang pagtatapos ng SEA Games campaign ni Ra­vena matapos magkasya sa pilak ang Gilas Pilipinas nang matalo ito sa Indonesia sa iskor na 81-85.

Show comments