Gilas may tuneup games sa South Korea

MANILA, Philippines — Sasalang ang Gilas Pilipinas sa dalawang tuneup games bilang paghahanda sa pagsabak nito sa ilang malalaking international tournaments.

Mismong si South Korea head coach Choo Il-Seung ang nagpahayag nito sa isang website na Jumpball.

Gaganapin ang mga laro sa Anyang Gymnasium sa Anyang, South Korea sa Hunyo 17 hanggang 18.

“From June 17 to 18, we will play an evaluation match against the Philippine national team at Anyang Gymnasium. I think we should check the physical condition of the players from the 30th,” ayon kay Choo.

Wala pang anunsiyo ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) kung sinu-sinong players ang ipadadala nito sa tuneup games.

Hindi pa malinaw kung ang parehong team na ipinadala nito sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam ang bubuo sa Gilas Pilipinas.

Posibleng ipadala ang all-cadet squad na sumalang sa FIBA Asian Cup Qualifiers at Olympic Qualifying Tournament noong nakaraang taon.

Hindi na magiging available ang ibang PBA players dahil magsisimula na ang PBA Season 47 sa Hunyo.

Tahimik pa ang SBP matapos ang masaklap na silver-medal finish ng Gilas Pilipinas sa Hanoi SEA Games.

Nahubaran ng korona ang Pilipinas matapos yumuko sa Indonesia sa iskor na 81-85.

Kaya naman malaki ang maitutulong ng tuneup games para maregroup ang koponan lalo pa’t nagha­handa ito para sa third window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers at sa FIBA Asia Cup na idaraos sa Jakarta, Indonesia.

Show comments