Japan B.League teams interesado kay Romeo

MANILA, Philippines — Ilang teams sa Japan B.League ang desididong makuha ang serbisyo ni scoring machine Terrence Romeo ng San Miguel Beermen.
Usap-usapan na sa social media na maraming koponan sa B.League ang nakikipag-ugnayan na sa kampo ni Romeo para maikasa ang kontrata.
Ilan sa mga napaulat ang tumataginting na $55,000 kada buwan na suweldo o aabot sa P2.7 milyon.
Kasama pa rito ang libreng housing, pagkain at iba pang benepisyo na ibibigay sa Pinoy cager.
Ayon pa sa ilang sources, inisyal na offer lamang ito.
Inaasahang dodoble ito sa kanyang ikalawang taon sa koponan.
Ngunit malabo pa ito sa ngayon dahil hanggang sa 2022 pa ng Oktubre ang kontrata ni Romeo sa Beermen.
Wala pa ring linaw kung magre-renew ito ng kontrata sa SMB o tuluyan nang kakagatin ang offer sa B.League.
Posibleng maging opsyon ang tulad ng ginawa ni Kiefer Ravena ng NLEX Road Warriors.
Nagpaalam ito sa NLEX management at sa PBA management kung saan pareho itong pumayag upang makapaglaro sa Shiga Lakestars sa B.League.
Sa kasalukuyan, sesentro muna ang atensiyon ni Romeo sa PBA Season 46 Governors’ Cup.
Inaasahang mabibigyan ito ng linaw sa susunod na taon.
Dumagsa ang mga Pinoy players sa Japan B.League sa season na ito kabilang na ang Ravena brothers na sina Kiefer at Thirdy.
Si Thirdy ang nagbukas ng pintuan para sa Pinoy players sa Japan nang masilayan ito sa aksyon sa nakalipas na season ng Japan B.League kasama ang San-en NeoPhoenix.
- Latest