Valdez babaril sa Tokyo Olympics
MANILA, Philippines — Muling nakakuha ang Pilipinas ng silya sa 2021 Olympic Games sa Tokyo, Japan sa pamamagitan ng quota system.
Inihayag kahapon ni Philippine Olympic Committee (POC) president Rep. Abraham “Bambol” Tolentino ang pagbibigay kay national shooter Jayson Valdez ng Olympic slot.
Dahil dito ay naniniwala si Tolentino na lalakas ang tsansa ng bansang makamit ang inaasam na kauna-unahang Olympic gold medal.
Ang 25-anyos na si Valdez ang ika-12 Pinoy qualifier ng bansa sa Tokyo Olympics na nakatakda sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8.
Ang iba pa ay sina weightlifters Hidilyn Diaz at Elreen Ando, skateboarder Margielyn Didal, gymnast Carlos Edriel Yulo, pole vaulter Ernest John Obiena, taekwondo jin Kurt Barbosa, rower Cris Nievarez at boxers Eumir Felix Marcial, Irish Magno, Nesthy Petecio at Carlo Paalam.
Sasabak si Valdez sa men’s air rifle 10-meter event matapos makapasa sa quota system ng International Shooting Sports Federation (ISSF) base sa kanyang minimum qualifying scores (MQS) para sa mga nilahukang World Cup at Asian qualifying tournaments.
- Latest