National volley teams ipapasok sa bubble training
MANILA, Philippines — Balak ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) na simulan ang bubble training ng national men’s at women’s teams sa Laoag City, Ilocos Norte sa susunod na linggo.
Sinabi ni PNVF president Ramon ‘Tats’ Suzara na mag-eensayo ang dalawang national volleyball teams sa Ilocos Norte Centennial Arena sa Laoag City na siya ring ginagamit ng mga PBA teams na TNT Tropang Giga at Meralco Bolts simula noong Mayo
“We’ll start our bubble training in Ilocos Norte hopefully next week,” wika ni Suzara. “We’re just finalizing the logistics part -- the accommodation, and the venue of their training.”
Dalawang mabigat na international tournaments ang lalahukan ng national men’s at women’s teams, ayon kay Suzara.
Sasabak ang national women’s squad sa AVC Asian Women’s Volleyball Championships sa Agosto 29 hanggang Setyembre 5 sa San Fernando, Pampanga.
Papalo naman ang national men’s team sa AVC Asian Men’s Volleyball Championship sa Chiba, Japan sa Setyembre.
Kamakalawa ay nagpirmahan ang PNVF at Republic Biscuit Corporation (Rebisco) sa isang three-year partnership kung saan magsisilbing primary backer ng national teams ang nasabing kumpanya.
Ang Rebisco ang may-ari ng mga Premier Volleyball League (PVL) teams na Creamline at Choco Mucho.
- Latest