Jazz umangat sa 2-0 vs Clippers
SALT LAKE CITY — Umiskor si Donovan Mitchell ng 37 points at may 24 markers si Fil-Am at NBA Sixth Man of the Year Jordan Clarkson sa 117-111 panalo ng Utah Jazz sa Los Angeles Clippers sa Game Two ng kanilang Western Conference semifinals showdown.
Nag-ambag si Joe Ingles ng 19 points para sa 2-0 bentahe ng Jazz sa kanilang serye ng Clippers habang humakot si NBA Defensive Player of the Year Rudy Gobert ng 13 points at career playoff-high 20 rebounds.
Binanderahan ni Reggie Jackson ang Clippers sa kanyang 29 points at may 27 at 21 markers sina Paul George at Kawhi Leonard, ayon sa pagkakasunod.
Inagaw ng Clippers ang 101-99 abante mula sa magkakasunod na 3-pointers ni Jackson kasunod ang 14-2 atake ng Jazz para sa kanilang 113-103 kalamangan sa huling 3:07 minuto ng fourth quarter.
Sa Milwaukee, idinikit ng Bucks sa 1-2 ang kanilang Eastern Conference semis series ng Brooklyn Nets matapos angkinin ang 86-83 panalo sa Game Three.
Kumamada si Khris Middleton ng 35 points at may 33 markers si Giannis Antetokounmpo para sa pagbangon ng Milwaukee sa dalawang sunod na kabiguan sa Brooklyn.
- Latest