Bubble training ng national athletics team gagawin sa Baguio City
MANILA, Philippines — Sa Baguio City magsasanay ang national athletics team bilang preparasyon sa 31st Southeast Asian Games na pamamahalaan ng Hanoi, Vietnam sa Nobyembre.
Nakipagkasundo si Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) president Philip Ella Juico kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong para sa bubble training ng athletics squad sa Teacher’s Camp.
Ang Baguio City ang pinakabagong Local Government Unit (LGU) na tumugon sa panawagan ni Philippine Sports Commissioner at Vietnam SEA Games Chef De Mission Ramon Fernandez.
Nauna nang binalak ng PATAFA ang training bubble ng kanilang mga atleta sa New Clark City Stadium sa Capas, Tarlac na isa sa mga naging venue ng 2019 Philippine SEA Games.
Ipinatupad ng PSC ang bubble training para makaiwas ang mga national athletes sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Walang magamit na venue ang mga national athletes na sasabak sa 2021 SEA Games na nakatakda sa Nobyembre 21 hanggang Disyembre 2.
Ito ay dahil ginagamit ng gobyerno ang Rizal Memorial Sports Complex at Ninoy Aquino Stadium sa Manila City at ang Philsports Complex sa Pasig City bilang quarantine centers para sa mga pasyente ng COVID-19.
Umaasa si Fernandez na may mga LGUs pang tutulong sa training bubble ng mga national athletes na magdedepensa sa overall championship ng bansa sa Vietnam SEAG.
- Latest