Davis binuhay ang tsansa ng Lakers sa playoffs
LOS ANGELES — Hangga’t may magagawa ay pipilitin ng nagdedepensang Lakers na makaiwas maglaro sa play-in tournament.
Humakot si star forward Anthony Davis ng 42 points at 12 rebounds para igiya Lakers sa 123-110 pagpapalamig sa Phoenix Suns at pagandahin ang kanilang record sa 38-30.
Nag-ambag sina Kentavious Caldwell-Pope at Alex Caruso ng tig-17 markers para sa ikatlong panalo ng Lakers, nakapuwesto sa No. 7 sa Western Conference, sa huli nilang 11 laro.
Binanderahan ni Cameron Payne ang Suns (48-20) sa kanyang 24 points at may 21 at 15 markers sina Devin Booker at Mikal Bridges, ayon sa pagkakasunod.
Sa Boston, pinalakas ng Miami Heat (37-31) ang paghawak sa sixth place sa East matapos angkinin ang 130-124 paggupo sa Celtics (35-33).
Sa Los Angeles, umiskor si Derrick Rose ng 25 points sa 106-100 paggiba ng New York Knicks (38-30) sa Clippers (45-23) at lumapit sa pagsikwat sa playoff ticket sa Eastern Conference.
Sa Cleveland, itinuloy ng Dallas Mavericks (40-28) ang pagkapit sa fifth place sa Western Conference matapos kunin ang 124-97 panalo sa Cavaliers (21-47).
Sa Charlotte, sumilip ng tsansa ang New Orleans Pelicans (31-37) sa play-in tournament sa East matapos itakbo ang 112-110 panalo sa Hornets (33-35).
Sa Detroit, nagtala si Nikola Vucevic ng 29 points at 16 rebounds sa 108-94 pagsuwag ng Chicago Bulls (29-39) sa Pistons (20-49) sa tsansa para sa play-in tournament.
- Latest