Mas matikas ang Clippers sa Suns
LOS ANGELES — Tumapos si Paul George na may 33 points kasunod ang 27 markers ni Kawhi Leonard para sa 113-103 paglusaw ng Clippers sa Phoenix Suns sa bakbakan ng top teams sa Western Conference.
Nagsalpak si George ng 7-of-9 shooting sa three-point range para sa kanyang ika-walong 30-point game sa season at igiya ang Clippers sa 35-18 record.
Pinamunuan ni Devin Booker ang Suns (36-15) sa kanyang 24 points at may 20 markers si Mikal Bridges.
Sa Salt Lake City, nagpasabog si Donovan Mitchell ng 37 points para akayin ang Utah Jazz (39-13) sa kanilang ika-23 sunod na home victory mula sa 122-103 pagdaig sa Portland Trail Blazers (30-21).
Sa Miami, umiskor si Jimmy Butler ng 28 points para banderahan ang Heat (27-25) sa 110-104 panalo sa nagdedepensang Los Angeles Lakers (32-20).
Sa Dallas, tumipa si Luka Doncic ng 27 points habang humakot si Kristaps Porzingis ng 26 points at 17 rebounds para sa 116-101 paggupo ng Mavericks (29-22) sa Milwaukee Bucks (32-19).
Sa Tampa, Florida, kumamada sina Nikola Vucevic at Zach Levine ng tig-22 points sa 122-113 pagwawagi ng Chicago Bulls (22-28) sa Toronto Raptors (20-32).
Sa Sacramento, kumolekta si Cory Joseph ng 24 markers, 7 assists at 4 boards sa 113-101 tagumpay ng Detroit Pistons (16-36) sa Kings (22-30).
- Latest