Eala asam ang quarters sa W25 Manacor event
MANILA, Philippines — Isa pang bigating netter ang lalabanan ni Pinay tennis sensation Alex Eala sa second round ng ITF Rafa Nadal Academy Movistar World Tennis Tour sa Manacor, Spain.
Sasagupain ng 15-anyos na si Eala si World Tennis Association (WTA) No. 210 Jana Fett ng Croatia para sa tsansang makapasok sa quarterfinals ng professional tournament.
Sa first round ay pinatalsik ni Eala, tumaas sa No. 763 sa WTA rankings mula sa pagiging No. 903, si No. 284 Simona Waltert ng Switzerland, 6-1, 6-4.
Tinapos ng Pinay netter ang nasabing laro sa loob ng isang oras at 45 minuto para makaharap ang 24-anyos na si Fett, sinibak si Diana Marcinkevica, 3-6, 6-3, 6-3, ng Latvia, sa second round.
Ito ang ikatlong pagsalang ni Eala sa nasabing $25,000 professional event kung saan niya inangkin ang first leg ng W15 Manacor tournament noong Enero.
Lumahok naman si Fett sa qualifying round ng 2021 Australian Open ngunit nabigong makapasok sa main draw.
Nanggaling ang Croatian netter sa semifinal finish sa nakaraang W25 Poitiers sa France.
- Latest