Margielyn Didal puwedeng dumiretso sa Olympics nang ‘di dumadaan sa qualifiers
MANILA, Philippines — Kagaya nina national boxers Nesthy Petecio at Carlo Paalam ay posible ring makakuha si national skater Margielyn Didal ng tiket para sa 2021 Olympic Games nang hindi na dumadaan sa qualifying tournament.
Ito ay dahil sa pagkakansela ng World Skate, ang international skateboarding at roller sports body, sa dalawang qualifying tournaments bunga ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
“Currently two qualifiers have already been cancelled and we’re expecting the third one and the fourth one as well to be cancelled,” ani Skate Pilipinas president Carl Sambrano.
“With regards to qualifying, top 20 naman iyong pasok. So like if the Olympics will start tomorrow or today Margie would be in it,” dagdag pa nito sa Cebuana skater.
May tig-20 qualifiers ang lalahok sa mga skateboarding events na men’s park at street at women’s park at street.
Nakapuwesto si Didal, ang 2018 Asian Games at 2019 Southeast Asian Games gold medalists, sa No. 14 sa women’s skate street event.
Nauna nang kinansela ng International Olympic Games (IOC) Task Force ang qualifying tournaments ng boxing bunga ng COVID-19 pandemic.
Dahil dito, ang world rankings ng mga boxers ang pagbabasehan kung sino ang bibigyan ng Olympic berth.
Umaasa sina Petecio at Paalam, mga gold medal winner noong 2019 SEA Games, na sa kanila mapupunta ang tiket para sa 2021 Olympics na gagawin sa Tokyo, Japan sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8.
- Latest