Cuarto hinubaran ng IBF world title si Taduran
MANILA, Philippines — Naitarak ni Rene Mark Cuarto ang unanimous decision win upang maagaw ang International Boxing Federation (IBF) minimumweight belt ni Pedro Taduran sa labang ginanap noong Sabado ng gabi sa Bula Gym sa General Santos City.
Pumabor kay Cuarto ang tatlong mga hurado na pare-parehong nagbigay ng 115-113 desisyon.
Umangat sa 19-2-2 ang rekord ni Cuarto habang bumagsak naman sa 14-3-1 ang marka ni Taduran.
Aminado si Cuarto na hindi naging madali ang laban lalo pa’t isang world champion si Taduran.
Paliwanag ni Cuarto, maganda ang ginawang pag-aaral ng coaching staff nito upang makorner ang mga estilo ni Taduran na lumabas sa laban.
“Pagod. Maganda ang laban namin matibay din si Pedro. Sure na sure naman po ako (sa panalo) dahil pinag-aralan namin ‘yung style niya at ‘yun talaga yung lumabas sa fight,” ani Cuarto sa panayam ng PowCast YouTube channel.
Iniwasan ni Cuarto kung pabor ito sa rematch.
Ipinauubaya na lamang nito ang pagdedesisyon sa MP Promotions na humahawak sa kanya partikular na sina coach Nonoy Neri at eight-division world champion Manny Pacquiao.
- Latest