Lady Realtors hataw agad sa PSL beach volley
MANILA, Philippines — Desidido ang Sta. Lucia na masungkit ang korona sa edisyong ito ng 2021 Gatorade-Beach Volleyball Challenge Cup matapos magtala ng panalo ang dalawang pares nito kahapon sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) sand courts.
Inilabas nina Bang Pineda at Jonah Sabete ng Sta Lucia-2 ang bagsik nito matapos pataubin sina Ariane Luna Alarcon at Christina Canares ng Kennedy Solar Energy-PetroGazz sa iskor na 21-10, 21-7 demolisyon.
Ito ang unang panalo ng Sta. Lucia-2 para makuha ang maagang liderato sa Pool A. Laglag naman ang Kennedy Solar Energy-PetroGazz sa 0-1.
Hindi rin nagpahuli sina DM Demontano at Jackielyn Estoquia ng Sta. Lucia-1 na nagrehistro ng 21-18, 21-13 panalo kina Jonah San Pedro at Javen Sabas ng Toby’s Sports.
Gaya nina Pineda at Sabete, nakuha nina Estoquia at Demontano ang 1-0 baraha sa Pool B samantalang nahulog sa 0-1 sina San Pedro at Sabas.
Maaga ring nagparamdam ng puwersa ang dalawang pares ng Abanse Negrense.
Pinayuko nina Alexa Polidario at Erjan Magdato ng Abanse Negrense-1 sina F2 Logistics bets Jenny Mar Senares at Kyla Angela Gallego, 21-15, 21-12, para saluhan sa unang puwesto ang Sta. Lucia-2 sa Pool A.
Pumalo rin sina Jennifer Casas at Gelimae Villanueva ng Abanse Negrense-2 ng pambuenamanong panalo nang igupo sina Ella Viray at Theresa Ramos ng United Auctioneers, 21-12, 21-12.
Sumosyo ang Abanse Negrense-2 sa Sta. Lucia-1 sa tuktok ng Pool B tangan ang parehong 1-0 rekord.
- Latest