76ers silat sa Pistons
DETROIT — Sinamantala ng Pistons ang hindi paglalaro ni star center Joel Embiid para sa Eastern Conference-leading Philadelphia 76ers nang angkinin ang 119-104 tagumpay.
Nagpasabog si Delon Wright ng career-high 28 points para sa Detroit (4-13) habang may 25 at 20 markers sina Jerami Grant at Wayne Ellington, ayon sa pagkakasunod.
Hindi nakita sa aksyon si Embiid para sa Philadelphia (12-6) dahil sa kanyang back spasm.
Sa Cleveland, humugot si LeBron James ng 23 sa kanyang 46 points sa fourth period para pamunuan ang nagdedepensang Los Angeles Lakers (14-4) sa 115-108 paggiba sa Cavaliers (8-9).
Nag-ambag si Anthony Davis ng 17 points para sa 10-0 sa road games record ng Lakers.
Sa Indianapolis, naglista si Malcolm Brogdon ng career-high 36 points, 9 assists at 7 rebounds para ihatid ang Indiana Pacers (10-7) sa 129-114 panalo laban sa Toronto Raptors (7-10).
Sa New York, umiskor sina James Harden at Kevin Durant ng tig-20 points at may 16 markers si Kyrie Irving para sa 98-85 pagdaig ng Brooklyn Nets (11-8) sa Miami Heat (6-10).
Sa Dallas, nagtala si Michael Porter Jr. ng 30 points, 8 rebounds at 2 steals sa 117-113 tagumpay ng Nuggets (10-7) kontra sa Dallas Mavericks (8-9).
Sa Florida, tumipa si rookie Cole Anthony ng career-best 21 points at nagposte si center Nikola Vucevic ng 28 points at 12 boards sa 117-108 pananaig ng Magic (8-10) laban sa Charlotte Hornets (7-10).
- Latest